Sa botong 22 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2243 o ang panukalang Salt Industry Revitalization Bill.
Layon ng panukala na mapalakas muli ang industriya ng pag-aasin sa pilipinas.
Ito ay sa gitna ng datos na halos 90% ng pangangailangan sa asin ng Pilipinas ay inaangkat pa natin sa ibang bansa sa kabila ng pagiging archipelago ng Pilipinas na may mahabang coastlines at malawak na access sa tubig-alat.
Sa ilalim ng panukala ay bubuuin ang Philippine Salt Industry Development Council na siyang mangangasiwa sa pagpapalago ng salt industry habang ang board naman na nabuo sa pamamagitan ng ASIN law (RA 8172) ay patuloy na pagtutuunan ng pansin ang food grade salt.
Ang Philippine Salt Industry Development Council ay pangungunahan ng secretary ng Department of Agriculture (DA).
Itinatakda rin ng panukala na ilipat sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangangasiwa ng mga lupang matutukoy na angkop sa salt production mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Isa ang salt industry revitalization bill sa mga priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). | ulat ni Nimfa Mae Asuncion