Pinagpapaliwanag ng Department of Interior and Local Government ang may-ari ng isang pagawaan ng mga fiber glass na bangka kung bakit hindi dapat sila tuluyang ipasara.
Ito’y matapos makatanggap ng reklamo ang Office of the Secretary for Barangay Affairs mula sa mga residente ng Brgy. Inarawan, Antipolo City kaugnay sa masangsang na amoy mula sa naturang pagawaan na pagmamay-ari ng isang John Mesias.
Base sa reklamo na natanggap ng DILG, ilang beses na umano nilang inilapit sa Barangay ang naturang reklamo subalit hindi naman daw sila pinansin ng mga ito kung kaya’t lumiham na sila kay Usec. Felicito Valmocina.
Agad namang nagpadala ng team si Valmocina kung saan nadatnan pa ng mga ito ang mga ginagawang fiber glass na bangka.
Bumungad sa mga kawani ng DILG ang mga nakabalandra na mga Lata ng thinner, pintura at kemikal na ginagamit sa paggawa ng fiber glass.
Wala ding maipakita ng permit ang naturang pagawaan habang mga tauhan lamang ang humarap sa mga taga-DILG.
Inimbitahan ang may-ari ng nasabing pagawaan sa DILG habang pansamantalang inihinto ang operasyon.
Ang naturang mga fiber glass na banka ay binibili sa kanila ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na siyang ipinamimigay sa mga mangingisda. | ulat ni Michael Rogas