Tiwala ang Philippine National Police (PNP) na malaki ang maitutulong ng pagkakaisa ng iba’t ibang paksyon ng Moro National Liberation Front (MNLF) upang maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayaan at kaayusan sa bansa.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo makaraang magpasya ang iba’t ibang grupo ng MNLF sa pamumuno nila Nur Misuari, Muslimin Sema, at Yusop Jikiri na magkaisa na para sa pagbuo ng Bangsamoro government.
Ayon kay Fajardo, tiwala silang ang pagkakaisa ay maghahatid ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao lalo na rin ngayong papalapit na ang Barangay at SK Elections sa Oktubre.
Una nang inihayag ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Senior Undersecretary Isidro Purisima na nagpupulong ang nagkakaisang paksyon ng MNLF gayundin ang MILF para buoin ang Bangsamoro Transition Authority (BTA). | ulat ni Jaymark Dagala