Sinagip ng Naval Forces Western Mindanao (NavForWem), sa pamamagitan ng Naval Task Force-61 (NTF-61), ang 175 katao na lulan ng tumirik na lantsa sa lalawigan ng Sulu.
Ayon kay Rear Admiral Donn Anthony Miraflor, kumandante ng NavForWem, niligtas ng Naval Task Force ang naturang mga pasahero mula sa M/V Queen Shaima na sumama na lamang sa agos ng tubig sa karagatan ng East Bolod Island sa lalawigan ng Sulu noong Setyembre 9.
Aniya, ang M/V Queen Shaima ay biglang nagkaroon ng problema sa makina habang naglalayag mula sa Luuk, Sulu papuntang Zamboanga City.
Ayon kay Miraflor, nang matanggap nila ang distress call, dineploy kaagad ng NTF-61 ang BRP-Florencio Iñigo upang hanapin at sagipin ang mga pasahero’t tripulante ng M/V Queen Shaima.
Aniya, 80 mula sa 175 mga pasaherong sakay ng lantsa ay inilipat sa BRP-Florencio Iñigo na humila sa Queen Shaima na mayroon pang natitirang 95 mga pasahero.
Tumulong naman sa rescue mission ng BRP-Florencio Iñigo ang BRP-Ivatan na nasa 2.4 nautical miles lamang ng Baluk-Baluk Island sa bayan ng Hadji Muhtamad sa lalawigan Basilan.
Ang lahat na 175 mga pasahero at tripulante ng M/V Queen Shaima ay inilipat sa BRP-Ivatan, at dinala sa Ensign Majini Pier ng Naval Station Romulo Espaldon sa Barangay Calarian, Zamboanga City.
Habang ang nasiraang lantsa ay hinila rin patungong Ensign Majini Pier.
Dahil sa matagumpay na misyon, pinuri ni Admiral Miraflor ang masigasig na mga tropa ng NavForWem na nagsagawa ng quick response para sa kagyat na rescue operation sa karagatan.| ulat ni Lesty Cubol| Zamboanga Sibugay