Kailangang tutukan pa ang produksyon ng agriculture sector ng bansa, upang maipagpatuloy ang pagdami pa ng Kadiwa stores sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Sa ambush interview kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., matapos mamahagi ng iba’t ibang government assistance sa Pili, Camarines Sur, ipinaliwanag ng pangulo na ang produksyon lamang kasi ang susi, upang maipagpatuloy ang paglalapit ng murang bilihin sa publiko.
Kung hindi kakayanin ng local supply ng bansa, mapipilitang mag-angkat ang Pilipinas, bagay na iniiwasan aniya ng pamahalaan.
“Basta’t tumaas ang ating produksyon, bababa ang production cost, bababa ang presyo ng bilihin tapos yung pag-transport, pag-process, kasama na ang gobyerno na tumutulong. So, iyon ang general system na ating ginagawa.” —Pangulong Marcos.
Ayon sa pangulo, ang puno’t dulo lamang naman ng usapin sa pagtaas ng presyo ng bilihin ay ang importasyon.
Makakatulong aniya sa pagtugon sa inflation, kung ang supply ng bansa, ay nagmumula mismo dito sa Pilipinas.
“Ang puno’t dulo niyan para mawala na iyong importation para patuloy, hindi na natin kailangan bayaran yung inflation na nanggagaling sa ibang lugar dahil nag-iimport tayo roon, basta nandito lang tayo kumukuha, kaya’t iyon ang plano para maging sustainable.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan
: Presidential Communications Office