Nasamsam ng mga awtoridad ang higit sa P2.9-M halaga ng ipinuslit na mga sigarilyo sa karagatan na malapit Tumalutap, isang island barangay sa lungsod ng Zamboanga.
Bukod sa mga kontrabando, apat na mga tripulante rin ng isang jungkong-type motorboat ang nalambat ng mga operatiba ng Seaborne Company.
Kinilala ni Police Lt. Col. Reynald Ariño, hepe ng 2nd Zamboanga City Mobile Force “Seaborne” Company (2nd ZCMFC), ang naarestong mga tripulante na sina Takam Julhakim, Mahajir Ahadin, Udjah Usab, at Mahsin Usman.
Ayon kay Lt. Col. Ariño, naaresto ng mga tropa ang apat na may kinagargang iligal na mga sigarilyo dakong alas-10:20 ng gabi noong Lunes sa paligid ng Tumalutap Island.
Aniya, nagsagawa ng seaborne patrol operation ang mga tropa, na pinamumunuan ni Police Lieutenant Ariel Jolatoria, nang namataan nila ang isang jungkong-type motorboat na may markang FB Ommayah 3 na naglalayag malapit sa Tumalutap Island.
Nang isingawa aniya ang inspeksyon, nakita ng mga tropa ang 84 master cases o kahon ng sari-saring mga sigarilyo na nagkakahalaga ng P2,940,000.
Nabatid na ang naturang mga sigarilyo ay galing sa Jolo, Sulu at dadalhin sana sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte.
Ang natiklong mga tripulante, ang jungkong boat, at ang mga smuggled cigarettes ay nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Customs o BOC-Zamboanga para sa tamang disposisyon. | ulat ni Lesty Cubol | RP1 Zamboanga