Welcome development para kay Senador Sherwin Gatchalian ang pormal na pagsasampa ng kaso ng Department of Justice (DOJ) sa pitong myembro ng Tau Gamma Phi fraternity na sangkot sa pagpatay sa Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Ayon kay Gatchalian, isa itong paraan ng pagpapahatid ng malinaw na mensahe sa mga patuloy na nasasangkot sa hazing.
Aniya, patunay lamang ito na hindi makakatakas sa ginawang krimen at mapapanagot sa batas ang mga gumagawa ng ganitong klase ng krimen.
Binigyang-diin pa ni Gatchalian na panahon na para wakasan na ang kultura ng karahasan na itinatago sa ideya ng kapatiran.
Sinabi rin ng senador na nakikiisa siya sa buong sambayanan sa pagbabantay hanggang sa makamit ng pamilya Salilig ang hustisya at maparusahan ang lahat ng mga lumabag sa batas. | ulat ni Nimfa Asuncion