Natanggap na ng mga benepisyaryo ng Cash-for-Work Program (CFW) sa ilalim ng Risk Resiliency Program (RRP 2023) sa bayan ng Lingayen ang bayad para sa ilang araw nilang pagtatrabaho.
Sa payout activity kahapon, September 13, na ginanap sa Lingayen Civic Center, pinangunahan ni Vice Mayor Dexter Malicdem at MSWD Officer Lorenza Decena ang pagbibigay ng sahod na nagkakahalaga ng P3,720 sa bawat isa sa mga benepisyaryo.
Ito ay bayad para sa sampung araw na pagtatrabaho ng mga ito sa kani-kanilang komunidad kung saan kabilang sa mga ginawa nila ang pagtatanim ng mga puno sa mga barangay at pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa kanilang lugar.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga indibidwal na kabilang sa nabanggit na programa para sa natanggap nilang sahod na aniya ay malaki ang maitutulong upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan.
Samantala, ang LGU Lingayen sa pangunguna ni Mayor Leopoldo Bataoil ay nagpaabot din ng pasasalamat sa Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa walang sawang pagpapakita ng suporta sa kanilang mga residente sa pamamagitan ng mga programa gaya nito. | ulat ni Ruel de Guzman |RP1 Dagupan
📷 VM Dexter Gumapos Malicdem