Tatalakayin na ng Senate Special Panel on Maritime and Admiralty Zones ang panukalang batas na layong bumuo ng mapa na itatapat sa 10-dash line map na inilabas ng China.
Ito ang ibinahagi ng chairperson ng special committee na si Senador Francis Tolentino.
Mamayang hapon ang magiging unang pagdinig ng special committee kung saan ayon kay Tolentino ay inimbitahan rin nila ang ilang resource person mula sa Beijing University.
Bagamat hindi pa aniya nagkukumpirmang dadalo, layon aniya ng pag-imbita sa kanila ang malaman kung bakit gumawa sila ng 10-dash line map.
Sinabi ni Tolentino na ito ay para makita ang punto de vista ng China nang sa gayon ang bubuuing batas ng Kongreso ay maiangkop rin sa tinatawag na “call of the times.”
Hindi naman aniya inimbitahan ang Ambassador ng China sa Pilipinas dahil hindi naman nito kabisado ang isyu at minabuti nilang padaluhin sa pagdinig ang mga eksperto na naglaan ng lima hanggang 10 taon tungkol sa usaping ito.
Umaasa si Tolentino na ang panukalang Maritime Zone Law ang magpapatibay sa ating claims at susuporta sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) lalo’t wala pang batas ang Pilipinas para sa maritime zones. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion