Ikinatuwa ng Department of Agriculture (DA) Bicol na tumatalima ang mga rice retailers mula sa lungsod ng Naga sa Executive Order No. 39 o ang pagpapataw ng price cap sa mga regular milled rice at well-milled rice.
Sa panayam kay DA Bicol-Agribusiness and Marketing Assistance (AMAD) chief Adelina Losa, sinabi nito na ang kanilang papel sa pagpapatupad ng EO 39 ay ang monitoring sa compliance ng mga rice retailers.
Ayon kay Losa, sa araw-araw na monitoring na ginagawa ng kanilang kagawaran, wala aniya silang problema sa pagsunod ng mga rice retailers mula sa Naga City sa EO 39 dahil nagbebenta ang mga ito ng P41 na regular milled rice at P45 na well-milled rice.
Sa ibang bahagi ng Bicol ayon kay Losa, majority sa mga rice retailers dito ay compliant din sa nasabing kautusan.
Samantala, sinabi ni Losa na ang kanilang kagawaran ay patuloy ang pagbibigay ng tulong para naman sa mga magsasaka sa rehiyon, sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga libreng binhi, abono at iba pang mga programa ng Department of Agriculture. | ulat ni Vanessa Nieva | RP1 Naga