Suportado ng mga eksperto ang pagbuo ng Pilipinas ng sarili nitong mapa ng maritime territories.
Ayon kay Southeast Asia expert Dir. Gregory Poling ng Southeast Asia Program and Asia Maritime Transparency Initiative sa organizational meeting ng Special Senate Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, dahil sa mas nagiging agresibong aksyon at harassment ng China, kinakailangang linawin ng Pilipinas at iba pang claimant countries sa publiko at international community ang kanilang paninindigan.
Aniya, nakabase naman ang claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa UNCLOS at sa international law.
Ang pagbuo ng klarong mapa ng maritime territory at exclusive economic zones ng Pilipinas ay mapapatibay ang ating punto at ang iligal na claim ng China sa karagatang sakop ng bansa.
Iginiit naman ni Atty. Neil Simon Silva ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na kailangang ayusin ang boundary ng Pilipinas para matukoy ang hangganan ng teritoryong kinakailangang ipagtanggol ng bansa.
Ipinahayag ni Silva na kung ipagtatanggol ng Pilipinas ang ating kasarinlan sa pamamagitan ng law enforcement at para makuha ang suporta mula sa international community ay dapat na gawing tugma ang batas sa Pilipinas sa batas ng international community. | ulat ni Nimfa Asuncion