Binigyang diin ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe ang kahalagahan ng pagpapalakas ng countermeasure ng bansa kontra sa mga scam at cybercriminal.
Ginawa ni Poe ang pahayag na ito kasunod ng paghingi ng DICT ng 300 million pesos na confidential fund para malabanan ang paglaganap ng mga scammer.
Pero kasabay nito, sinabi ng senadora na kinakailangang pag-aralan ang kakayahan ng DICT na gastusin ang kanilang alokasyong pondo.
Ipinunto ng mambabatas na ang mababang utilization rate ng ahensya na nasa 32.2% noong 2022 ay nakakapagpababa ng kumpiyansa tungkol sa tamang paggamit nito sa kanilang pondo.
Dahil dito, tatanungin aniya ng senadora sa Commission on Audit (COA) kung paano nagasta ang P1.2 billion na confidential funds ng DICT nitong nakaraan.
Bilang recipient ng ikaapat na pinakamataas na confidential fund sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno, binigyang diin ni Poe na repsonsibilidad ng DICT na patunayan ang pangangailangan nila ng confidential fund.
Kapag nagawa aniya ito ng ahensya ay saka pa lang nila irerekomenda ang budget request nila sa plenaryo. | ulat ni Nimfa Asuncion