Tinututukan ngayon ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), ang mga overloaded na truck na karaniwang nakikita sa mga lalawigan.
Ito ay matapos na lumapit sa LTO ang isang senador na nagrereklamo sa overloaded na mga truck sa probinsya.
Nakipagtulungan na ang LTO sa PNP-HPG, at Department of Public Works and Highways upang matugunan ang mga problema kaugnay dito.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, karaniwan kasing nagiging sanhi ng aksidente sa kalsada ay kinasasangkutan ng mga overloaded na truck.
Dito kasi maaaring magkaproblema ang sasakyan, kung saan pwedeng mawalan ng preno at mawalan ng kontrol ang driver sa manibela.
Kaugnay nito ay magpapatupad ng mahigpit na pag-iinspeksyon at monitoring sa mga truck.
Sa panig naman ng PNP, binigyang direktiba na nito ang kanilang regional directors upang tugunan ang mga reklamo kaugnay sa overloading ng mga truck. | ulat ni Diane Lear