Tiniyak ng Palasyo na kumikilos na ngayon ang mga awtoridad upang makamit ang hustisya sa naging pagpaslang kay Atty. Maria Saniata Liwliwa Gonzales Alzate na binaril sa tapat mismo ng kanilang tahanan nitong nakaraang Huwebes, September 14 sa Abra.
Ang pagitiyak ay ginawa ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa gitna ng isinasagawa na ngayong hot pursuit operation ng mga nasa law enforcement agencies.
Ayon kay Bersamin, nakikidalamhati sila sa mga naiwang pamilya ni Atty. Alzate at marundob nilang ipinararating ang taos-pusong pakikiramay dito.
Idinagdag ni Bersamin na magkakasama sila ng mga nasa legal profession na kumukundena sa ginawang pagpaslang sa aniya’y kanilang kapatid sa propesyon.
Inilarawan naman ni Bersamin na isang matapang at matatag na abugado si Alzate at nanindigan sa pagganap nito ng kanyang tungkulin bilang isang abugada at commissioner ng bar discipline.
Ang nangyari aniya sa kanilang kapatid sa propesyon ay itinuturing nilang isang trahedya sa legal profession.| ulat ni Alvin Baltazar