Nagsasagawa ng mahigpit na monitoring at surveillance ang tanggapan ng Bureau of Internal Revenue sa mga online seller na hindi pa rehistrado sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa isang panayam sinabi ni Aldrin Camba Revenue District Officer Calasiao RDO, kapag napuntahan na ang isang online seller at nasabihan na kailangan nitong magparehistro ay mag-iiwan umano ng form ang BIR kung saan nakalahad dito ang kanilang paglabag partikular na ang ‘failure to register”.
Binibigyan sila ng hanggang tatlong notice at kapag sila ay hindi tumalima ay may pananagutan ang mga ito at sila’y patawan ng kaukulang kaso.
Kung matatandaan, una ng inatasan ng BIR ang mga nagbebenta online na iparehistro ang kani-kanilang mga negosyo at isaayos ang binabayarang buwis.
Alinsunod sa inilabas na Revenue Memorandum Circular ng ahensya, inabisuhan nito ang lahat ng mga negosyante, lalo na ang mga gumagamit ng electronic at digital platforms, na magparehistro bilang bahagi ng probisyon ng panibagong Seksyon 236 ng tax code. | via Verna Beltran | RP1 Dagupan