Kailangang timbangin mabuti ang panukala na ihinto muna ang pagpapataw ng excise at value added tax sa produktong petrolyo.
Ito ang inihayag ni House Appropriations Committee Senior-Vice Chair Stella Quimbo, nang matanong kung pabor ba ito sa itinutulak na pagsuspindi sa buwis sa langis para mapababa ang presyo nito.
Paalala niya na ang nakokoletkang buwis ay ginagamit ng pamahalaan pang gastos.
Maliban dito posible rin aniya itong makaapekto sa GDP growth ng bansa.
“Pagka magsusupindi tayo ng taxes, ibig sabihin niyan, there are forgone revenues. And when you forgo revenues, ibig sabihin niyan, mawawalan tayo ng suporta para sa spending at tatandaan po natin na medyo bumagal ang GDP growth natin ng 2nd quarter ng taong ito. We expected a much higher GDP growth, e diba 4.3% ang growth ng second quarter. Ang kahirapan is if we suspend taxes, baka mahirapan tayo mag-support ng faster government spending in the next quarter.” paliwanag ni Quimbo
Marami din naman aniyang alternatibong paraan para ibsan ang epekto ng oil price hike, halimbawa ang pagbibigay ng subsidiya.
Sabi ni Quimbo, mayroon pa namang mga unutilized fund at tirang pondo para sa fuel subsidy sa ilalim ng Department of Transportation at Department of Agriculture.
Mayroon din aniyang mga subsidy program na nakapaloob sa Department of Social Welfare and Development. | ulat ni Kathleen Forbes