Target ng Presidential Communications Office (PCO) na mapunan ang kalahati ng mga unfilled position sa ahensya bago matapos ang taon.
Sa pagdinig ng Senate Sub-Committee on Finance sa panukalang P1.79 bllion na panukalang pondo ng PCO at attached agencies nito para sa susunod na taon, ibinahagi ni PCO Secretary Cheloy Garafil na sa ngayon ay may 250 plantilla positions ang PCO.
Sa bilang na ito, 191 positions na ang napunan habang 59 positions pa ang hindi napupunan.
Kaugnay nito, sinabi ni Garafil, na sa ngayon ay gumugulong na ang screening para sa mga aplikante para mapunan ang halos 50 percent ng mga bakanteng posisyon sa ahensya.
Nasa plano na rin aniya ng ahensya ang regularisasyon ng 111 na contract of service (COS).
Ibinahagi rin ni Garafil, na naisumite na nila sa Department of Budget and Management (DBM) ang bagong structure ng PCO, at target ng ahensya na pagdating ng 2024 o sa susunod na taon ay wala nang COS position sa ahensya. | ulat ni Nimfa Asuncion