Sisikapin ng pamahalaan na maproseso ang condonation ng utang, interest, at amortization ng unang 200,000 Agrarian Reform beneficiaries, ngayong 2023.
Pahayag ito ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella, kasunod ng inilabas na implementing rules and regulations (IRR) para sa bagong Agrarian Reform Act, kung saan nasa higit 600,000 benepisyaryo ang makikinabang.
Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng kalihim na ngayong araw lalagda siya ng isang special order para sa pagbuo ng Condonation Quick Response Center, sa lahat ng lalawigan sa Pilipinas.
“Kami ay nanalangin na sana itong hanggang matapos ang taon at least maka-200,000 tayo all over the country. Pero pipilitin namin, it’s not going to be an easy job.” —Secretary Estrella
Mayroon rin aniya silang mga itinalaga na mga abogado na partikular na tututok sa pangangailangan at aasiste sa mga magsasaka.
“Ngayon palang inaamin ko na hindi madaling trabaho ito sapagkat maraming mga naging problema noong nakaraan at ilan taon iyan nakalipas at talagang napakabigat ng responsibilidad sa aming balikat sa agrarian reform, sapagkat iyong sobrang daming taon na nakalipas na nagkaroon ng mga problema, aayusin lang namin iyan ng limang taon lang.” —Secretary Estrella. | ulat ni Racquel Bayan