Magkakasa ng panibagong pulong ang Kamara at mga oil company sa susunod na linggo upang maplantsa ang magiging solusyon sa patuloy na oil price hike.
Ayon kay Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, maraming inilatag na suhestyon para ibsan ang epekto ng oil price hike, isa na nga rito ang pagsuspinde sa ipinapataw na excise tax sa produktong petrolyo.
Aniya, dahil sa inaasahang bababa na muli ang presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado pagsapit ng Disyembre, isa sa tinitingnan nila ay ang hindi na paniningil sa fuel excise tax ng tatlong buwan.
Sakaling maipatupad, P10 aniya agad ang maibabawas nito sa presyo ng oil products.
Gayunman, naniniwala si Energy Usec. Sharon Garin na kailangan itong araling mabuti at balansehin.
Ang suspensyon kasi aniya sa fuel excise tax ay magreresulta ng revenue loss sa pamahalaan.
Batay sa pagtaya nasa P4.9 billion kada buwan ang mawawalang kita ng gobyerno o katumbas ng P14.7 billion sa loob ng tatlong buwan, sakaling ipatupad ang fuel excise tax suspension.
Mayroon din naman aniyang suhestyon na panatilihin ang buwis at ang sobrang VAT na masisingil ay gamiting pampondo ng ayuda na ibibigay sa apektadong sektor.
Ngunit ayon kay Rep. Tulfo, ipinunto ni Speaker Romualdez na piling sektor lang ang mabibigyan ng ayuda, kaya’t ang kailangang solusyon ay panglahatan, kung saan kasama kahit ang mga middle income earners na may mga sasakyan at bumibili ng gasolina.
Kaya hiling ng mambabatas sa mga oil company na magsakripisyo rin para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Nangako naman ang mga kinatawan ng oil companies na ipapaalam sa kanilang mga chair at presidente ang napag-usapan at nailatag na suhestyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes