Nakatanggap ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ng higit walong libong reklamo tungkol sa mga scam ngayong taon.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Banks tungkol sa bank-related scams at frauds, binahagi ng PNP ACG ang datos na mula Enero hanggang Agosto ngayong taon ay umabot sa 8,609 ang reklamo tungkol sa scam at online attacks ang sinumbong sa kanila.
Umabot rin ng hanggang P155 million ang katumbas na halaga ng mga nakuha sa mga biktima ng scams na ito.
Kabilang sa mga modus na naitala ng mga awtoridad ang online selling scam, investment scam, ATM fraud/phishing, call scam/vishing, employment scam, loan scam, package scam, hijack profile, accommodation scam at love scam.
Sa mga ito, pinakamarami ang nabibiktima ng online selling scam na may 3,615 na kaso.
Pinakamaraming nabibiktima ng scam sa Facebook o messenger (6,700 cases), sumunod ang WhatsApp, Telegram, Instagram, SMS at iba pang social media platform at mga courier applications.
Aminado naman ang PNP-ACG na nahihirapan silang magsampa ng kaso dahil ‘fictitious account’ ang gamit ng mga suspek at mahaba rin ang prosesong kinakailangang pagdaanan para makuha ang datos mula sa mga bangko at financial institutions.| ulat ni Nimfa Asuncion