Natanong ng mga senador ang mababang bilang ng mga permanenteng empleyado sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pagdinig ng senate subcommittee sa 2024 budget ng ahensya, tinanong ni Senadora Imee Marcos ang DSWD kung totoong 10% lang ang kanilang mga permanenteng empleyado.
Kinumpirma naman ito ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kasabay ng paliwanag na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Budget and Management (DBM) para sa rightsizing ng ahensya.
Ipinunto naman ni Senador Raffy Tulfo na hanggang ngayon ay napakarami pa ring job order at contract-of-service sa DSWD na ang ilan sa mga empleyado ay 15, 20 at 25 taon na pero hindi pa rin nareregular.
Ibinahagi naman ng DBM na karamihan sa mga hindi permanenteng posisyon sa ahensya ay para sa 4Ps program na aabot sa 12,055 contractual positions.
Sinabi pa ni Secretary Gatchalian na matagal na silang humihiling sa DBM ng dagdag na plantilla positions pero dahil sa mahigpit na fiscal space ng budget department ay hindi pa rin ito naibibigay. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion