Nilinaw ng National Economic and Development Authority (NEDA) na mas maraming tatamaan sa sandaling suspendehin ang pagpapataw ng Excise Tax sa mga produktong petrolyo sa loob ng isang buwan.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, lubhang mapanganib ang naturang hakbang lalo pa aniya’t magreresulta ito ng pagbagal ng ekonomiya at mas mataas na interest rates.
Giit ni Balisacan, ang mga ganitong uri aniya ng programa ay tinawag niyang populist na aniya’y gusto ng tao subalit hindi angkop sa takbo ng ekonomiya.
Ayon sa NEDA chief, maraming paraan upang ibsan ang hirap na dinaranas ng mga mahihirap at nasa middle class tulad ng pagbibigay subsidiya sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan.
Una rito, ibinabala ni Finance Secretary Benjamin Diokno na bilyong piso ang malulugi sa bansa sakaling suspendehin ang pagpapataw ng Value Added Tax o VAT gayundin ng Excise Tax sa langis. | ulat ni Jaymark Dagala