Magkatuwang na inilunsad ngayong araw ng Anti-Red Tape Authority at ng MERALCO ang proyektong ‘Paspas Pilipinas Paspas’ na layong tulungan ang mga LGU sa pagtatatag ng electronic Business One-Stop Shops (eBOSS).
Sa ilalim ng proyekto, bibigyan ng 500 computer units at pagsasanay ang nasa 166 LGUs na nahihirapang magtayo ng E-Boss sa kanilang mga lokalidad.
Ngayong araw, pinangunahan nina ARTA Dir Gen. Sec. Ernesto Perez at MERALCO Legal Chief William Pamintuan ang ceremonial turnover ng computer units sa unang batch ng LGU beneficiaries na lahat ay kabilang sa 3rd- 6th income classification.
Ayon kay ARTA Sec. Perez, umaasa itong sa pamamagitan ng proyekto ay makakatugon na ang mga LGU sa streamlining at digitalization ng business permitting at licensing system na alinsunod na rin sa Ease of Doing Business Law.
Bukod sa Meralco, katulong rin ng ARTA sa pagpapatupad ng proyektong ang DICT, DILG at National Association of Business Permits and Licensing Office (NABPLO).
Batay sa pinakahuling datos ng ARTA, as of March 10 ay aabot sa 506 LGUs ang fully at partially automated na pagdating sa pagpapatupad ng Electronic Business One-stop-shop. | ulat ni Racquel Bayan