Ipinagmalaki ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na naging mabunga ang kaniyang pagbisita sa Republika ng Korea bilang speaker sa Global Education Innovation Summit 2023.
Sa inilabas na pahayag ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, sinabi ni VP Sara na nakipagpulong siya sa Deputy Prime Minister at Korean Education Minister Lee Ju-Ho.
Dito, inilatag ni Lee ang pagtataguyod ng Republic of Korea sa digital innovation sa pamamagitan ng digital technology sa larangan ng edukasyon.
Sa kaniyang panig sinabi ni VP Sara, na pagkakataon din ang kaniyang pagbisita sa naturang bansa upang pag-aralan ang sistema ng edukasyon doon.
Gayundin ay palakasin ang pagtutulungan sa pagitan ng Pilipinas at Korea, pagpapalalim ng ugnayan at pagpapalitan ng mga kaalaman sa iba’t ibang bansa upang mapaunlad ang edukasyon sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: OVP