Ipinalalatag ni ACT CIS Party-list Representative at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa mga kumpanya ng langis, kung anong solusyon ang kanilang i-aambag para maipababa ang presyo ng produktong petrolyo.
Sa Partners Usapang Balita Media Forum, sinabi ni Rep. Tulfo, na nailatag na ng Kongreso ang kanilang solusyon para maibaba ang presyo ng langis.
Isa dito ang pagsuspinde muna sa excise tax kung saan aabot ng hanggang P10 ang kada litro.
Sa pagtaya ng mambabatas, aabot sa P5 billion kada buwan ang mawawala sa pamahalaan kung aalisin ang excise tax.
Pero kahit malaki ang mawawala sa gobyerno, makakahinga naman daw ang taumbayan at maibsan ang sobrang taas ng presyo nito.
Tutol si Tulfo na magbigay ng ayuda sa transport sector dahil iilan lamang daw ang makikinabang, na hindi tulad ng pagsuspinde sa excise tax ay mas marami ang makikinabang.
Sa susunod na linggo ay magkakaroon ng 2nd round ng pag-uusap ang mga mambabatas at oil companies, at umaasa silang ilalatag ng mga kumpanya kung anong solusyon ang kanilang ibibigay sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo. | ulat ni Michael Rogas