Asahan na ang mga pag-ulan sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon, Visayas, at Zamboanga Peninsula ngayong maghapon.
Sa inilabas na weather forecast ng PAGASA, ang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ay dulot ng low pressure area at habagat.
Ayon sa PAGASA, ang low pressure area ay huling namataan kaninang madaling araw sa layong 85 kilometro sa Hilagang Silangan ng Infanta, Quezon.
Habang ang isa pang LPA ay may layong 125 kilometro sa Timog ng Iba, Zambales. Ang epekto ng Southwest Monsoon o habagat ay mararanasan sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Samantala, ang iba pang lugar sa Mindanao ay makararanas din ng maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dulot ng habagat at localized thunderstorms. | ulat ni Rey Ferrer