Tatlong magkasunod na lindol ang naitala sa lungsod ng Masbate ngayong umaga.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), dakong alas-6:21 ng umaga nang unang yanigin ng magnitude 4.1 ang lungsod.
Natukoy ang epicenter ng lindol sa layong 11 kilometro sa Hilagang-Kanluran ng Masbate. May lalim na 8 kilometro ang pinagmulan nito at tectonic ang dahilan.
Naitala ng PHIVOLCS ang intensity 4 sa Masbate City, Masbate, intensity 3 sa Batuan at Milagros, Masbate, at intensity 2 sa Aroroy, Masbate; Bulusan, Sorsogon; Legazpi City sa Albay, Calbayog City sa, Samar at Rosario sa Northern Samar, habang intensity 1 naman sa Cataingan, Masbate.
Pagkalipas lamang ng 19 na minuto, muling niyanig ng Magnitude 3.7 ang lungsod.
Halos magkadikit lang ang pinagmulan nito sa layong 14 na kilometro, sa Hilagang-Silangan ng lungsod.
Naitala ang intensity 3 sa Milagros at Masbate City, Masbate, intensity 1 sa Bulusan, Sorsogon; Legazpi City, Albay, intensity 2 sa Batuan at Aroroy, Masbate; Donsol, Sorsogon at Legazpi City, Albay.
Alas-7:07 ngayong umaga naulit muli ang pagyanig sa lungsod at naitala ang magnitude 3 earthquake.
Pagtitiyak ng PHIVOLCS, wala namang dalang pinsala ang tatlong magkasunod na lindol sa lungsod. | ulat ni Rey Ferrer