Aabot sa tinatayang higit P3.5 milyon ang halaga ng kabuuang nakumpiskang ilegal na droga matapos magsagawa ng buy-bust operation ang pwersa ng pulisya sa Barangay Putatan, Lungsod ng Muntinlupa.
Ayon sa ulat ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit 3, nakipagtulungan sila sa mga anti-narcotics authorities ng Muntinlupa City Police at PDEA Regional Office-NCR at naaresto nila ang dalawang drug suspects sa isang joint buy-bust operation sa ilalim ng Oplan Lupine.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala bilang si James Regonaya, 37 taong gulang, at si Dante Cleofe, 48 taong gulang, parehong nakatira sa Brgy. Putatan, Muntinlupa City.
Nakuha sa operasyon ang isang plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 25 gramo ng hinihinalang shabu, isang transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang sa karagdagang 500 gramo ng hinihinalang shabu, isang cellphone, at dalawang coin pouch na may lamang ID’s. Bukod sa mga hinihinalang droga, nasamsam din ng mga awtoridad ang iba’t ibang drug paraphernalia at ang ginamit na buy-bust money.
Haharap naman ang mga suspek sa mga reklamo sa ilalim ng Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | ulat ni EJ Lazaro