Nananawagan si Senate President Juan Miguel Zubiri sa Philippine Coast Guard na agad na putulin at alisin ang mga iligal na istruktura na nakalagay sa West Philippine Sea, hindi lang para igiit ang ating sovereign rights, kundi para protektahan rin ang mga mangingisdang Pilipino mula sa anumang aksidenteng maaaring idulot nito.
Ang pahayag na ito ng Senate president ay kasunod ng impormasyon na naglagay ang China ng floating barriers sa timog na bahagi ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Giit ni Zubiri, walang karapatan ang China na maglagay ng anumang istruktura sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Binigyang-diin rin ng senador na nakakapagdulot rin ng panganib ang mga floating barrier sa mga bangkang pangisda dahil posible itong pumulupot sa propeller at makina ng bangka.
Kasabay nito ay pinasalamatan rin ng mambabatas ang PCG para sa kanilang walang patid na pagbabantay at pagprotekta sa mga lugar na bahagi ng ating teritoryo.
Sila aniya sa Senado ay naninindigan at sumusuporta sa tropa ng bansa na ibinubuwis ang kanilang buhay para sa ating kalayaan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion