Pinayuhan ng isang mambabatas ang Department of Health (DOH) na mamigay pa rin ng face mask at iba pang proteksyon sa mga LGU na bulnerable o lantad sa epekto ng volcanic smog.
Ito’y kasunod ng pamamahagi ng AnaKalusugan Party-list ng N95 face masks sa bayan ng Nasugbu, Tuy, at Balayan sa Batangas.
Ayon kay AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes, bagamat bahagya nang humupa ang vog sa paligid ng bulkan ay posibleng maulit ito lalo at nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano.
Mahalaga aniya na handa ang mga komonidad sakaling magkaroon muli ng insidente ng vog upang protektahan ang mga residente mula sa epekto nito sa kalusugan.
Una nang ibinabala ng PHIVOLCS na maaaring maulit ang vog dahil patuloy sa pagbuga ang Taal ng sulfur dioxide. | ulat ni Kathleen Jean Forbes