Naihanda na ng National Security Council (NSC) ang report na isusumite kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kaugnay sa insidente ng paglalagay ng China ng boya, sa Bajo de Masinloc.
Pinipigilan ng 300-meter barriers na ito ang mga mangingisdang Pilipino na makapasok at makapangisda sa lugar.
Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NSA Assistant Director General Jonathan Malaya na lahat naman ng mga pangyayari sa teritoryo ng bansa ay agad na ipinagbibigay alam sa Pangulo.
“Lahat po ng mga pangunahing pangyayari sa Bajo de Masinloc, sa Ayungin Shoal at sa buong Kalayaan Island Group ay lagi po naming pinaparating sa ating Pangulo because he is, of course, the Chief Executive of the country.” —ADG Malaya
Hinihintay na lamang aniya nila ang tugon ng Pangulo dito.
Pagbibigay diin ng opisyal, mayroong karapatan ang Pilipinas na alisin ang mga boyang ito na inilagay ng China, lalo’t pasok ito sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Kung ang tanong po ay may karapatan ba tayong tanggalin iyong inilagay na barrier, mayroon po. Maliwanag po ang UNCLOS diyan, at may karapatan ang ating bansa na tanggalin iyang inilagay ng Chinese Coast Guard.” —ADG Malaya | ulat ni Racquel Bayan