Inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na mahalaga ang pagsusulong ng karapatan at proteksyon ng mga guro at kawani ng Department of Education (DepEd).
Ito ang bahagi ng talumpati ni VP Sara matapos lagdaan ang kasunduan sa pagitan ng DepEd at Government Service Insurance System ngayong araw.
Layon nitong tugunan ang mga isyu ng mga guro at iba pang kawani ng DepEd sa GSIS.
Nagpasalamat naman si VP Sara sa kooperasyon ng GSIS sa naturang inisyatibo na tulungan ang mga guro at kawani ng DepEd.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, ang pagtulong sa mga nasa sektor ng edukasyon ay pagtulong din sa mga kabataang Pilipino at sa ating bayan.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, magtatalaga ng eklusibong express lane ang GSIS para sa mga guro at empleyado ng DepEd. Magdaragdag din ng personnel na sasagot sa mga concern ng ahensya, at magkakaroon ng regular na pag-uusap ang dalawang tanggapan ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear