Sa botong 20 senador na pabor, walang tutol at walang nag-abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2028 o ang panukalang batas tungkol sa maagang pagbibigay ng gobyerno ng cash gift para sa mga Pinoy Centenarian.
Sa ilalim ng panukala, layong maibigay ang benepisyo bago pa man makaabot sa 100 years old ang isang Pinoy para mapakinabangan pa nila ito.
Oras na maisabatas, matatanggap na ang P10,000 na cash gift kapag tumuntong na sa 80 years old ang isang senior citizen at P20,000 naman pag tuntong nito ng 90 years old.
Kapag nakaabot naman na sa 100 years old ang isang senior citizen ay bibigyan pa rin ito ng P100,000 na cash gift.
Ipinapanukala rin ang pagbubuo ng Elderly Management System, para sa maayos na pagkalap ng mga impormasyon tungkol sa mga senior citizen na 80 years old pataas.
Ito ay gagawin sa pagtutulungan ng Philippine Statistics Authority (PSA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Technology (DICT), National Commission on Senior Citizens, at mga local government unit.
Binigyang-diin ng sponsor ng panukala na si Senate Committee on Social Justice Chairperson, Senador Imee Marcos, na kailangan nang i-advance ang pamamahagi ng cash gift para sa mga centenarian dahil sa mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin at maintenance na gamo, para sa karaniwang sakit ng mga matatanda gaya ng mga sakit sa puso, diabetes, at kidney failure. | ulat ni Nimfa Asuncion