Naniniwala si Senador Francis Tolentino na maaaring diversion tactic lang ng China ang paglalagay ng floating barriers o mga boya sa Bajo de Masinloc para maalis ang atensyon sa ginawa nila sa mga bahura sa Escoda Shoal at Rozul Reef.
Ayon kay Tolentino, alam kasi nilang limitado lang ang resources ng Pilipinas kaya medyo nililipat nila ang atensyon mula sa karagatan sa Palawan sa karagatang malapit sa Zambales naman ngayon.
Sa kabila nito ay iginiit ng senador na mahalaga pa ring ma-highlight ang isyung ito sa Bajo de Masinloc dahil malaking source ito ng ating mga isda at talagang bahagi ito ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Kaya naman dapat aniyang putulin at alisin ang mga boya sa Bajo de Masinloc at dapat malayang makapasok doon ang ating mga mangingisda.
Tiwala si Tolentino na nakatutok sa sitwasyon ang Task Force on West Philippine Sea gayundin ang Philippine Coast Guard.
Maaari rin aniyang maghain ang Pilipinas ng hiwalay na diplomatic protest kaugnay nito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion