Hinirang ang bayan ng Bayabas, Surigao del Sur bilang national grand winner ng Malinis at Masaganang Karagatan (MMK) 2022 National Search for Outstanding Coastal Community sa katatapos lang na selebrasyon ng 60th Fish Conservation Week ng Bureau of Fisheries & Aquatic Resources (BFAR) noong Setyembre 22.
Ayon kay Vice Mayor Ma. Clarita Limbaro na siyang tumanggap ng parangal, ipinagmamalaki nila ang karangalan dahil ito ay bunga ng kanilang mga pagsisikap para sa maayos, malinis at magandang karagatan tulad ng programang Sagip Wakatan, kasama ang naging suporta ng mga mamamayan nila. Sana umano ay magsilbi itong inspirasyon para sa ibang coastal municipalities dito sa lalawigan.
Maliban sa tropeo at plake ay tumanggap rin ng cash prize na P30M ang LGU Bayabas. | ulat ni Nerissa Espinosa | RP1 Tandag
📷: Ma. Clarita Limbaro