Tuluyan nang pinagtibay ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8969 o Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension System Act.
Nasa 272 na mambabatas ang bumoto na pabor, apat ang hindi, at may isang abstention.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, matitiyak na matatanggap ng mga MUP ang nararapat nilang retirement benefit nang hindi naman madedehado ang pamahalaan.
Kabilang sa mga ituturing na MUP ang mga unipormado at may ranggong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor), at commissioned officers ng hydrography branch ng National Mapping and Resource Information Authority na inilipat mula sa Bureau of Coast and Geodetic Survey.
Sa pinagtibay na bersyon ng Kamara, mananatili ang 100% indexation, garantisadong 3% na taas sa sweldo ng MUP kada taon sa loob ng sampung taon; mandatory retirement age na 57 years old sa lahat ng MUP o matapos ang 30 taong tuloy-tuloy na pagseserbisyo.
Ngunit, maaaring boluntaryong magretiro ang MUP oras na maka-20 taon na ito sa serbisyo.
Tanging ang mga new entrants na lang ang obligadong magbayad ng kontribusyon kung saan 9% ang kanilang sasagutin habang 12% naman ang sa gobyerno.
Bubuo rin ang Armed Forces of the Philippines ng Trust Fund at Uniformed Personnel Services Trust Fund na tax exempt.
Magtatatag din ng isang MUP trust fund committee na pamumunuan ng secretary of finance para mangalaga sa pondo habang ang Government Service Insurance System (GSIS) naman ang magsisilbing manager ng trust funds.
Maaaring gamiting pampondo dito ang unprogrammed funds sa ilalim ng taunang Pambansang Budget; kita mula sa pagpaparenta, joint development o pagbebenta ng government properties, at savings ng gobyerno.
Inaatasan din ang trust fund committee na magbibigay ng tulong sa mga indigent pensioner. | ulat ni Kathleen Jean Forbes