Umaasa si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes, na mabilis lang uusad sa Bicameral Conference Committee ang panukalang amyenda sa Centenarians Act of 2016.
Ayon kay Ordanes, ngayong inaprubahan na ng Senado ang bersyon nila ng panukala ay maaari nang isalang sa bicam para plantsahin ang pagkakaiba sa mga probisyon nito.
Isa sa mga pinuri ni Ordanes ay ang sinamang probisyon ng Senado patungkol sa pagbuo ng isang Elderly Management System, para sa maayos na pagkalap ng mga impormasyon tungkol sa mga senior citizen na 80 years old pataas.
Oras na maisabatas maliban sa mga lolo at lola na 100 taong gulang na, ay makakatanggap na rin ng ‘cash gift’ ang mga senior na tutungtong sa edad na 80, 85, 90 at 95 years old.
Sa bersyon ng Kamara ang mga lolo at lola na aabot ng 101 taong gulang ay makakatanggap ng P1 million insentibo. | ulat ni Kathleen Forbes