Iminungkahi ni 1 Rider Party-list Representative Ramon Rodrigo Gutierrez sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na ipaubaya na lamang sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasagawa ng mga flood control program.
Sa plenary deliberation sa P4.12 billion budget ng MMDA, inusisa ni Gutierrez kung ano ang pagkakaiba ng flood control project ng MMDA, local government units (LGUs), at DPWH.
Aniya, baka napapanahon nang bitiwan ng MMDA ang kanilang budget para sa flood control at ipaubaya na sa DPWH ang pangangasiwa nito, bilang sila ang may expertise sa dredging at flood control project dahil redundant na ang kanilang trabaho.
Tugon ni Appropriations Committee Vice-Chairperson and Caloocan City Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy, na siyang budget sponsor — maayos ang coordination ng MMDA sa LGUs at DPWH sa flood control project upang walang overlapping.
Paliwanag ng budget sponsor, dahil tungkulin ng MMDA ang flood management kaya masusi nilang ginagamapanan ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno, at nakatuon umano sila sa minor problems ng pagbaha sa Metro Manila Special Administrative Region.
Base sa budget ng ahensya, nasa P1.3 billion ang hinihingi nilang pondo para sa kanilang flood control programs sa taong 2024 habang nasa P1.9 billion naman ang kanilang budget allocation ngayong taon sa naturang proyekto. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes