Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mamigay na rin ng P15,000 na cash subsidy sa mga magsasaka na maaapektuhan ng nakaambang El Niño phenomenon.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, gagamitin nila ang mekanismo na ipinatupad sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Sinabi pa ni Gatchalian, na nakikipag-usap na sila sa Department of Agriculture (DA) para gawing agaran ang implementasyon ng nasabing interbensyon.
Sa ngayon, tinatapos na ng DSWD ang distribusyon ng Sustainable Livelihood Program cash aid para sa mga micro rice retailer at sari-sari store owners, na apektado ng Executive Order No. 39 na nagtatakda ng price cap sa mga regular at well-milled rice.
Kung sa SLP sa rice retailers, Department of Trade and Industry (DTI) ang tumutukoy sa mga benepisyaryo, para sa SLP sa farmer-beneficiaries DA naman ang maghahanda ng listahan.
Maliban sa SLP, inilunsad na rin ng DSWD ang Project LAWA o Local Adaptation to Water Access, sa Davao de Oro, Ifugao, at Antique para tulungan ang mga komunidad na maging matatag sa magiging epekto ng matagal na panahon ng tag tuyot. | ulat ni Rey Ferrer