Hinikayat ng Department of Transportation-Office of Transportation Cooperatives (DOTr-OTC) ang mga nasa sektor ng transportasyon na i-avail ang “Tsuper Iskolar” program ng pamahalaan.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng DOTr sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon kay DOTr-OTC Chairperson Jesus Ortega, layon ng programa na makapagbigay ng scholarship at livelihood training sa mga tsuper na apektado ng Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP.
Ani Ortega, sa ilalim ng programa, mabibigyan ng oportunidad ang mga benepisyaryo na mag-aral ng iba’t ibang kurso sa TESDA sa buong Pilipinas.
Pahihintulutan din silang pumili kung anong scholarship ang gusto nila, na isasagawa sa loob ng 30 hanggang 35 araw na may kasamang P350 na allowance kada araw.
Samantala, inilunsad din ng DOTr at Department of Labor and Employment ang “EnTSUPERneur” program, na layong makapagbigay ng alternatibong pagkakakitaan para sa mga driver at operator na apektado ng PUVMP. | ulat ni Diane Lear