Muling isinagawa ng Department of Social Welfare and Development-Zamboanga Sibugay Provincial Field Office (DSWD-Sibugay) ang payout ng cash assistance sa mga micro rice retailer na apektado ng ipinapatupad na rice price ceiling sa bansa.
Ang naturang aktibidad ay ginanap sa Provincial Capitol Atrium sa Barangay Ipil Heights sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay.
Ang mga micro rice retailer na nakatanggap ng tig-P15,000 cash assistance ay nagmula sa mga bayan ng Tungawan, R.T. Lim, Ipil, Titay, Naga, at Kabasalan.
Ang naturang halaga ay tulong ng pamahalaan sa mga may-ari ng sari-sari store na apektado ng rice price ceiling sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program–Economic Relief Subsidy o SLP-ERS program ng DSWD.
Ang distribusyon kanina ay para sa ikalawang pangkat ng mga micro rice retailer sa lalawigan na na-validate ng DTI-Zamboanga Sibugay, kasama ang Municipal Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng iba’t ibang munisipyo, at ng Department of Agriculture (DA).
Ang pamamahagi ng tig-P15,000 cash assiatance ay batay sa mga alintuntuning nakasaad sa E.O. No. 39 ni President Ferdinand R. Marcos Jr. matapos ipinatupad ang rice price cap, bunsod nang pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa. | ulat ni Lesty Cubol | RP Zamboanga
📷: DTI-Zamboanga Sibugay Provincial Field Office