Muling inirekomenda ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang suspensyon sa iba pang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar ng Navotas.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General, Atty. Alfegar Triambulo, bigo kasi ang mga naturang pulis na i-preserve ang crime scene at isalang sa ballistic at paraffin test ang mga sangkot sa pamamaril.
Sinabi ni Triambulo natapos na nila ang pagdinig sa ikalawang kaso ng 23 pulis na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy noong August 2.
Naisumite na aniya ang naturang rekomendasyon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, P/Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez.
Samantala, iniulat din ni Triambulo na muli rin nilang inirekomenda sa NCRPO na tanggalin na ng tuluyan sa serbisyo ang walo pang pulis na namaril kay Jemboy.
Kinabibilangan naman ito nila P/Cpt. Mark Joseph Carpio; P/Cpt. Luisito Dela Cruz; P/EMS Roberto Balais Jr; P/SSg Antonio Bugayong Jr.; P/SSg Gerry Maliban; P/SSg Nikko Pines Esquilon; P/Cpl Edmard Jake Blanco, at PAT Benedict Mangada
Gayunman, sinabi ni Triambulo na wala pa silang rekomendasyon hinggil sa chief of Police ng Navotas PNP dahil naghihintay pa sila ng go signal mula sa Malacañang. | ulat ni Jaymark Dagala