Pinasisilip ni Manila Representative Bienvenido Abante ang posibleng mga paglabag sa karapatang pantao ng grupong Socorro Bayanihan Services sa Surigao del Norte dahil sa napaulat na mala-kultong mga aktibidad ng grupo.
Sa inihaing House Resolution 1326 ng mambabatas, pinagkakasa ang House Committee on Human Rights ng pagsisiyasat sa nangyayaring paglabag sa mga karapatang nakasaad sa Saligang Batas.
Tinukoy sa resolusyon na mula sa pagiging isang komunidad na isinasabuhay ang diwa ng bayahihan, ay unti-unti itong nagbago matapos mapalitan ang kanilang lider.
Ilan sa mga miyembro nito ang tumiwalag at isiniwalat ang anila’y paghihigpit sa kanila ng itinalagang ‘Kapihan Gatekeeper’.
Isang beses sa isang buwan lamang sila maaaring lumabas ng komunidad at kailangan bumalik ng 4PM habang ang mga lider at kanilang pamilya ay malayang nakakakilos.
Hindi rin anila sila nabibigyan ng atensyong medikal at hindi rin nakakapasok sa eskuwelahan ang mga bata ayon sa School Division Office ng Surigao.
Isang hiwalay na imbestigasyon naman ang isinasagawa ng Senado tungkol sa grupo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes