Welcome para kay KABAYAN party-list Rep. Ron Salo ang nalalapit na pagsasabatas ng Ease of Paying Taxes Bill.
Kasunod ito ng pagratipika ng Kamara at Senado sa bicameral conference committee report ng panukala.
Ayon kay Salo, oras na maging ganap na batas ng EOPT ay bawas abala ito sa ating mga OFW.
Isa kasi sa probisyon ng panukala ay i-exempt ang mga OFW na ang tanging pinagkakakitaan ay ang pagtatrabaho abroad, mula sa paghahain ng income tax return.
“Our Filipino migrant workers should not have to grapple with tax paperwork while working hard to support their families and contribute to our country’s economic stability. This exemption will free their minds from unnecessary stress and allow them to concentrate on their jobs and personal lives,” sabi ni Salo.
Aniya, bagamat mayroon nang inilabas na kautusan noon ang Bureau of Internal Revenue para i-exempt ang Filipino migrant workers sa paghahain ng ITR, mas maigi pa rin na maging isa itong ganap na batas.
Ani Salo, ipinapakita lamang nito ang pagkilala at pasasalamat ng pamahalaan sa mga OFW na may malaking ambag sa ating ekonomiya.
“The approval of this provision in this legislative measure sends a clear message: we recognize the sacrifices our Filipino migrant workers make, and we want to unburden them from unnecessary bureaucratic procedures.” dagdag ng kinatawan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes