Ipinakita ng Pilipinas ang improvement nito sa pinakahuling ranking ng Global Innovation Index 2023, na isa sa mga sukatan ng innovation ecosystem performance ng iba’t ibang mga ekonomiya sa buong mundo.
Ayon sa ranking, umakyat ng tatlong spots ang bansa sa 56th place mula sa 132 economies na kasama sa listahan. Ito na ang pinakamataas na ranking na naabot ng Pilipinas mula nang nakasali ito sa Index noong 2009.
Nasa grupo din ang bansa ng mga middle income economy na nagpapakita ng pinakamabilis na pag-angat sa ranking sa loob ng nakaraang dekada. Pinuri rin sa report ang mga innovation input and output ng bansa at ilang mga punto sa mga kinahaharap na pagsubok ng bansa at kung saan maaari pa itong mag-improve.
Nananatili namang nasa top spot ang Switzerland bilang most innovative country para sa 13 magkakasunod na taon, na sinundan ng mga bansang Sweden, United States, United Kingdom, at Singapore.
Kaugnay nito, matatandaang noong Miyerkules, September 27, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng National Innovation Agenda and Strategy Document na naglalaman ng mga istratehiya upang mapag-igting ang innovation governance, mapalalim, at mapabilis ang innovation effort ng pamahalaan.
Sinabi ng Pangulo na sumasalamin ito sa commitment ng administrasyon na isulong ang patuloy na innovation at development sa bansa. | ulat ni EJ Lazaro