Inasistihan ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. sa pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo ng Comprehensive Social Benefits Program (CSBP) ng Department of the Interior and Local Government.
Tinawag na Pagpupugay sa mga Bayani ng Bansang Makabayan, pinangunahan ng Pangulo ang ceremonial awarding sa anim na benepisyaryo sa Davao City.
Layunin ng CBSP na tulungan ang mga pamilya ng uniformed personnel na namatay o nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ito ay bilang pagsunod sa Executive Order No. 110 na inisyu ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020 na nagbibigay ng iba’t ibang uri ng benepisyo at tulong tulad ng pinansyal, iskolarship, panlipunang kapakanan, kalusugan at trabaho.
Nagpasalamat si VP Sara sa mga nakibahagi sa pagtitipon at nanawagan sa kanila na sumulong nang may pasasalamat, pagkakaisa at paglilingkod sa bayan.
Ipinakilala rin ni VP Sara ang Pangulo, na nag-utos sa lahat ng mga ahensyang tiyakin ang pagpapatupad ng mga benepisyo at tulong para sa mga benepisyaryo.
Dumalo rin sa pagtitipon sina DILG Secretary Benhur Abalos, Health Secretary Ted Herbosa at Special Assistant to the President Anton Lagdameo. | ulat ni Rey Ferrer