Napuno ng musika, mga pagtatanghal, mensahe ng suporta, at mga kasunduan ang closing ceremony ng Philippine Creative Industries Month ngayong araw sa PICC, Pasay City.
Sa nasabing kaganapan, nagpaabot ng mensahe ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan partikular ang Department of Trade and Industry (DTI), DepEd, at Department of Tourism (DOT).
Dito ipinaabot ni Sec. Christina Garcia Frasco sa pamamagitan ni Dir. Paulo Tugbang ang mensahe nito patungkol sa Filipino Creative industry na tunay na maipagmamamalaki sa buong mundo. Ayon din sa mensahe ng kalihim, ang Pilipinas ay hindi lamang kilala dahil sa mga travel destination nito bagkus pati na rin sa mga artistic and creative wonder ng mga Pilipino. Umapela din ng suporta si Sec. Frasco para sa Philippine Creative Industries.
Maliban sa DOT Chief, nagpaabot din ng kanyang mensahe ng pasasalamat si Rep. Christopher De Venecia ng Pangasinan 4th District at chair ng Creative Industries Committee na Principal Author din ng RA 11904 o ang Philippine Creative Industries Development Act para sa mga ahensya ng gobyerno na sumuporta sa kanilang creative agenda.
Maliban sa mga mensahe, napuno din ng ang closing ceremony ng paglagda ng mga memorandum of agreement at understanding mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor bilang pag-agapay sa sektor.
Sinundan ito ng mga pagtatanghal mula sa Serenata Tanglaw ng Bulacan, Brass Band Banda Uno Heneral Concierto, at iba pang grupo.
Nagkaroon din ng Fashion Show and Gala na nagpakita ng Filipino Creativity.| ulat ni EJ Lazaro