Umaasa ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa mas maraming investments pa na gagawin ang mga kumpanyang Tsino sa Pilipinas matapos ang matagumpay na pagtatapos ng ika-20 China-ASEAN Expo (CAEXPO).
Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga, kumpiyansa itong aakit ng mas maraming mga Chinese company investors ang bansa dahil sa malakas na ekonomiya na ipinapakita nito at proactive investment promotion strategy ng Pilipinas.
Habang sa Philippine Investment Forum sa China, ibinalita ni Philippine Ambassador to China, Jaime FlorCruz, ang mas mataas na interes ng mga negosyanteng Tsino na magnegosyo sa Pilipinas. Kung saan aabot sa mahigit $22-bilyon ng mga strategic investments ang nakuha ng bansa nang magsagawa ng state visit doon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon pa kay FlorCruz, masigasig ang pakikipag-ugnayan ng mga Chinese executives na mag-invest sa maraming industriya sa Pilipinas.
Matapos ang forum, nagkaroon pa ng dayalogo ang mga opisyal ng Pilipinas at dalawang malalaking Chinese companies.
Kung saan isa rito ay itinuturing na leading global provider ng mga smart device, na layong palawakin ang kanilang presensya sa Pilipinas, lalo na sa larangan ng consumer electronics. Habang ang isa pang kumpanya ay isa naman sa pinakamalalaking power generation groups sa China na planong magsagawa ng mga renewable energy projects sa bansa.
Layon ng PEZA na makakuha pa ng mga investments mula sa high-tech sectors at emerging technologies, kabilang ang industrial manufacturing, transport, technology, media, telecommunications at marami pang iba.
Sa kasalukuyan, may 164 na rehistradong mga Chinese projects o companies sa ilalim ng PEZA, katumbas ito ng higit sa P25.8 Bilyon na investments at nakapaglikha na ng higit sa 16,000 trabaho. | ulat ni EJ Lazaro