Nag-isyu na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver gayundin sa may-ari ng Sports Utility Vehicle (SUV) na sangkot sa viral road rage incident sa isang bicycle rider sa Marikina City.
Kasabay nito, sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na inimbitahan din ang sakay ng bisikleta sa LTO-National Capital Region at hiniling na magsumite ng notarized written complaint at iba pang supporting documents bilang bahagi ng imbestigasyon sa insidente.
Dalawang magkahiwalay na SCO ang inisyu sa rehistradong may-ari at ang driver ng puting Nissan Patrol na may plakang NFY 4437.
Inihain ang SCO sa rehistradong may-ari ng SUV sa Novaliches, Quezon City habang ang SCO para sa driver ay inihain sa kanyang bahay sa Antipolo City.
Pareho silang nahaharap ng mga kaso ng paglabag sa reckless driving, obstruction of traffic at improper person to operate a motor vehicle sa ilalim ng RA 4136 at ang disregarding traffic signs.
Samantala, preventive suspended na ng 90 araw ang registration ng nasabing sasakyan, maliban na lang kung mas maagang maresolba ang kaso.| ulat ni Rey Ferrer