Nilinaw ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na hiwalay na isyu ang suspensyon nito sa noontime TV program na “It’s Showtime” sa polisiyang “No work, no pay” sa mga apektadong empleyado ng programa.
Sa isang pahayag, sinabi ng MTRCB na nakikisimpatya ito sa mga manggagawang posibleng maapektuhan sa oras na maipatupad ang suspensyon, subalit, ito aniya ay dulot na ng kawalan ng kakayahan ng Management na i-regularize ang kanilang mga kawani.
Giit pa ng Board, mahigit nang isang dekadang kalakaran ito na hindi pagre-regular ng mga empleyado, kahit pa ang programa ay umeere ng live sa loob ng anim na araw sa isang linggo.
Naniniwala ang MTRCB na ang pagpataw ng suspensyon sa programa ay nagbibigay liwanag sa mas malawak at mahalagang paksa ng kontraktwalisasyon na kinakaharap ng mga manggagawa na dapat ay nabibigyang pansin ng mga producer o Management ng programa.
Kasunod nito, muling binigyang-diin ng MTRCB na tinupad lamang nito ang kanilang mandato na matiyak na may ethical compliance sa mga palabas ng mga production companies at television networks alinsunod sa Presidential Decree No. 1986.
Una nang pinatawan ng 12 araw na suspensyon ng MTRCB ang ‘It’s Showtime’ dahil sa diumano’y indecent acts na naipalabas sa programa. | ulat ni Merry Ann Bastasa